Pinagtibay na ng Consultative Committee (ConCom) sa kanilang en banc session kanina ang pinal na bersyon ng panukalang federal constitution kaugnay ng isinusulong ng administrasyong Duterte na paglipat sa pederalismo.
Wala pang sampung segundo nang agad maaprubahan ng ConCom ang pinal na bersyon ng bagong Saligang Batas sa kanilang en banc session kanina.
Walang tumutol sa dalawampu’t dalawang miyembro ng komite nang pagtibayin ang final draft ng konstitusyon bilang paghahanda sa planong paglipat ng bansa sa federal form of government.
Ilan sa mga binagong nilalaman nito ang preamble na nagtatakda ng isang ‘federal republic of the philippines’. Dagdag pa dito ang malinaw na paglalarawan sa karapatan sa pansariling teritoryo at maging ang karapatan ng bansa sa sarili nitong karagatan.
Kabilang sa mga isinusulong na pagbabago ang reporma sa anti-political dynasty, party-switching, pagsama sa bill of rights ng mga karapatan sa sapat na pagkain, kalusugan, edukasyon, disenteng pabahay at trabaho.
Samantala, hihikayatin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ka-partido nitong pag-aralang mabuti ang panukalang federal constitution ayon sa Malacañang.
Tiwala rin ang administrasyong Duterte na mahihikayat nito ang mayorya ng mga mambabatas na suportahan ang panukala. Ngunit hindi pa rin ligtas sa mga kritiko ang nasabing panukala ayon kay dating Solicitor General Florin Hilbay.
Isa sa pinakamapanganib na araw ang pag-apruba sa panukala na magiging daan umano sa pagkakaulit ng diktadurang Marcos.
Pero ayon kay retired SC Justice Antonio Eduardo Nachura, may mga pangontra dito na nakasaad mismo sa bagong Saligang Batas.
Ngayong aprubado na ang mga panukala sa lebel ng constitutional commission, nasa Kongreso na daw ang bola upang magdesisyon kung dapat nga bang lumipat ang bansa sa pederalismo at bigyan ng kalayaan ang mga rehiyon na pangasiwaan ang sarili nilang pondo na hindi na kinakailangan ng pagsang-ayon ng Kongreso.
( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )
Tags: Administrasyong Duterte, Consultative Committee, federal constitution