Filipino skateboarders, inspirado sa pagkakapanalo ni Margielyn Didal sa 2018 Asian Games

by Radyo La Verdad | September 11, 2018 (Tuesday) | 2696

Napukaw ang damdamin ng mga Pilipinong skateboarders sa pagkapanalo ni Margielyn Didal ng gintong medalya sa Women’s Street Skateboarding Division sa katatapos lang na 2018 Asian Games sa Indonesia.

Naging malaking inspirasyon si Margielyn sa mga Pilipinong naglalaro ng skateboard upang maging mahusay sa larangang ito

Bagaman nagsimula ang skateboarding sa Estados Unidos bandang dekada singkwenta, naging paborito rin itong laro ng ilan sa mga Pilipino makalipas ang ilang panahon.

Gaya na lang ni Diego Fadul na mismong magulang nito ang nagpakilala at humikayat sa skateboarding.

Madalas na nagtitipon-tipon ang mga skateboarders sa mga liwasan, bitbit ang isang rail kung saan nag-eensayo ang mga ito ng iba’t-ibang paraan at tricks sa skateboarding.

Ayon sa mga skaters, nakatutulong ang sports na ito na mapanatiling masigla ang kanilang katawan at mapalayo sa mga masasamang bisyo.

Sa pagkakapanalo ni Margielyn Didal sa Asian Games, inangat umano ng gold medalist skateboarder ang kalagayan ng skateboarding sa Pilipinas.

Dahil kay Margielyn, umaasa ang mga Filipino skateboarder na mabibigyang pansin na ng pamahalaan ang skateboarding at makapaglalaan na rin ng kaukulang pasilidad ang mga street skaterboarders gaya sa ibang bansa.

 

( Asher Cadapan Jr./ UNTV Correspondent )

Tags: , ,