Ang film o pelikula ay isa sa mga epektibong paraan upang makapagtawid ng mensahe sa publiko.
At kagabi, labingdalawang pelikulang Pinoy ang kumurot ng iba’t-ibang emosyon sa isinagawang Short and Sweet Film Festival sa Maynila. “Short and Sweet” kung ito’y tawagin dahil ang bawat istorya ay hindi lalampas ng sampung minuto.
Sa loob lamang ng maiksing oras, mahusay na naipakita ng filmmakers ang kanilang creativity at nakapaghatid ng makabuluhang mensahe. Itinanghal na People’s Choice ang short film na “Aswang”.
Samantala, wagi naman ang “The First Day of School” bilang Best Film.
Ang dalawang short films na ito ang magiging entry ng bansa sa Short and Sweet International Film Festival.
Isa sa mga nagsilbing hurado sa film fest kagabi ang UNTV host at news anchor na si Angela Lagunzad.
Unang pagkakataon pa lang na sumali ang Pilipinas sa naturang film festival noong nakaraang taon, ngunit nakakuha agad ng mga parangal ang film entry ng bansa gaya ng best director at best cinematographer.
Kaya naman, lalo itong nagbigay ng inspirasyon sa mga Pinoy filmmaker.
Umaasa naman ang mga kalahok na Filipino filmmakers na muling makasungkit ng awards ang bansa sa kumpetisyon na isasagawa sa Los Angeles, California sa susunod na buwan.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: Estados Unidos, Filipino short films, International Film Festival