Filipino Pride Catriona Gray, itinanghal na Miss Universe 2018

by Radyo La Verdad | December 17, 2018 (Monday) | 29024

Ipinasa ni Miss Universe 2017 Demi Leigh Nel Peters ang korona sa bagong queen na si Catriona Gray ng Pilipinas.

Itinanghal namang first runner up si Miss South Africa Tamaryn Green at second runner up si Miss Venezuela Sthefany Gutiérrez. Si Gray ang ika-apat na Pilipinang nag-uwi ng korona para sa Pilipinas. Nauna sina Gloria Diaz noong 1969, Margarita Moran noong 1973, at Pia Wurtzbach noong 2015.

Sa bagong rules na inilabas ng Miss Universe Organization, unang tinawag ang top 20 kung saan ang bawat isang kandidata ay nagbigay ng kanilang 15 second opening statement.

Mula sa kanila, pinili ang top 10 na naglaban-laban naman sa evening gown at swimsuit round. Sa sampung binibini, kumuha ng limang naging finalists.

Kuminang ang pambato ng Pilipinas na si Gray pagrampa nito sa runway. Suot ang nakabibighaning all red gown ng Kapampangan designer na si Mak Tumang, rumampa ang bagong Miss Universe na talaga namang confidently beautiful.

Ang mga sagot ni Catriona ang nagpahanga ng labis sa crowd at mga judges, lalo na sa final question and answer portion. Diretso at walang paligoy-ligoy, beauty and brains caliber talaga.

Samantala, sa hinaharap ay isa sa mga adbokasiyang plano nitong gawin ang pagpapaigting sa HIV awareness. Tuwang-tuwa naman ang mga taga-suporta ni Catriona at proud sa inuwing regalo ng binibini para sa Pilipinas.

Full support din ang nakuha ni gray mula sa nakaraang Miss Universe Philippines Candidates na sina Shamsey Supsup, MJ Lastimosa, Rachel Peters at Pia Wurtzbach na nagpunta pa sa Bangkok upang saksihan ang naturang kompetisyon.

 

( Kath Dumaraos / UNTV Correspondent )

Tags: , ,