Umabot na sa 175 ang nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 sa tinatayang 3,700 na sakay ng Diamond Princess cruise ship na nakadaong sa Yokohama, Japan.
Kabilang sa naturang bilang ang Filipino crew ng naturang barko. Pero ayon sa Department Of Health (DOH) nananatili pa rin ito sa ospital subalit maayos ang kaniyang kalagayan.
“Y’ong mga nandoon din sa cruise ship natin na mga crew members, stable din naman and they are being taken cared of in Japan.” ani DOH Usec. Eric Domingo.
Bukod sa Pinoy crew member, 7 Pilipino na sakay ng barko ang nagpositibo sa COVID-19 na patuloy na minomonitor sa pagamutan.
Sa gitna na patuloy na pagkalat ng deadly virus, sinisikap naman ng mga dalubhasa na makatuklas ng bakuna o gamot laban dito.
Pero sa taya ng World Health Organization (WHO), maaaring umabot pa ng 18 buwan bago magkaroon ng vaccine o lunas laban sa naturang virus.
“We welcome the research community are first to table up a vaccine. But as our dg mentioned yesterday, in the minimum it’s expected to tale 18 months. So, in the meantime, they need to do what they know works.” ani WHO Ph Representative, Dr. Rabindra Abeyasinghe.
Habang hinihintay pa ang pagtapos sa paggawa ng vaccine, ayon sa WHO, epektibo pa rin sa paglaban sa CONVID-19 ang personal hygiene o pagpapanatili ng malinis na katawan, cough hygiene etiquette o ang tamang paraan ng pag-ubo at pag-iwas sa mga taong may sakit.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)