METRO MANILA – Nababahala ang Food and Drug Administration (FDA) sa paglaganap ng kalakalan ng mga umano’y hindi rehistradong gamot laban sa COVID-19.
Paliwanag ni FDA Director General Undersecretary Eric Domingo, hindi maaring pagkatiwalaan ang mga gamot ng hindi dumaan sa tamang proseso.
Dahil maaaring lalo pa itong makasama sa kalusugan.
“Mayroon kaming nilalabas na warning sa ating mga kababayan kasi ngayon lalo na yung mga gamot para sa COVID-19 na mga in-demand, marami po talaga ang nagbebenta. Mayroong online, mayroon sa mga group chat na mga unregistered drugs. Ito po, hindi talaga tayo sigurado. Malamang counterfeit po ito o kaya mga substandard.” ani FDA Director General, Usec Eric Domingo.
Nitong weekend, nakasabat ang Bureau of Customs ng halos P30 million na halaga ng unregistered medicine na Lianhua Qingwen na nagmula sa Hongkong.
Hindi na rin matunton ang consignee ng shipment sa address kung saan dapat dadalhin ang kontrabando.
“Actually, may FDA clearance yung Lianhua but on very specific descriptions meaning it has to be—the label has to be in English form. Tapos, mayroon lang siyang exclusive importer-distributor dito sa Pilipinas.” ani BOC Spokesperson, Atty Vincent Maronilla.
Nilinaw naman ng FDA na bagaman rehistrado sa ahensya ang Lianhua Qingwen ay hindi naman ito aprubado bilang gamot sa COVID-19.
“Approved siya as traditional Chinese medicine para sa asymptomatic relief ng mga sakit katulad ng mga ‘pag may inuubo o nilalagnat. Hindi siya approved specifically for COVID-19 at maaari lang po siyang gamitin kung ire-reseta ng doctor at ituturo sa inyo ang tamang dosage.” ani FDA Director General, Usec Eric Domingo.
Bunsod nito, nagpaalala ang mga kaukulang government agency sa publiko na bumili lang sa mga lisensyado at otorisadong bilihan ng mga gamot.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: COVID-19 Vaccine, FDA