FDA, inaprubahan ang dalawang home self-testing COVID test kits

by Radyo La Verdad | January 25, 2022 (Tuesday) | 8341

Inaprubahan na ng Food and Drug Administration ang dalawang self-administered COVID-19 antigen test kits.

Ayon kay FDA Officer-in-Charge Oscar Gutierrez, nabigyan na nila ng special certification ang Panbio Covid 19 antigen self test ng Abbot at sars-cov-2 antigen rapid test self test for home use ng Labnovation Technologies.

Inulat rin ni Gutierrez kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, (Jan. 24, 2022) na aabot sa 86 antigen test kits ang naialis na sa merkado.

“Hindi nila na-meet ang RITM performance validation habang mayron silang special certification o ‘di kaya ‘di po sila rehistrado, authorized o kaya sinurernder ng special certification holder ‘yong kanilang certification,” ani Dr. Oscar Gutierrez, Officer-in-Charge, Food and Drug Administration.

Samantala, ayon kay Vaccine CZAR Carlito Galvez, Jr., posibleng masimulan na ang pagbabakuna sa batang may edad lima hanggang labing isa sa darating na February 4.

“Darating po next week mga supply at pwede na po tayong mag-rollout ng February 4, next Friday po,” pahayag Dr. Oscar Gutierrez, Officer-in-Charge, Food and Drug Administration

Ayon  kay Galvez maglalagay sila ng dalawang vaccination site kada siyudad sa National Capital Region at papalawigin nila ito sa iba ring rehiyon matapos ang isang linggo.

Tiniyak ng Vaccine CZAR sa mga magulang na ligtas ang bakunang ituturok sa kanilang mga anak.

“Makaka-assure po tayo sa ating mga magulang  na very safe ang ating gagamitin na bakuna dahil ito ay mas mababa ang formulation na angkop sa mga bata,” sinabi ni Galvez.

Para naman makatulong sa vaccination rollout ng pamahalaan, plano ng Department of Transportation na maglagay ng bakunahan sa MRT stations.

“Matatayo kami sa mga istasyon we have pin pointed already 4 station, where we will have on-site vaccinations program,  eto ‘yung Cubao, Shaw Boulevard, ‘yung Boni at Ayala,” ani Sec. Arthur Tugade, Department of Transportation.

Bukod dito ay plano ring maglagay ng vaccination dite ang DOTR sa airport terminal at seaports pero ito ay didepende pa rin sa panuntunan ng Department of Health.

Sa kasalukuyan, aabot na sa 59.7 million na indibidwal ang nakatanggap na ng first dose, samantalang 57.2 million ang fully vaccinated na.

NeL Maribojoc | UNTV News

Tags: , , , ,