Sa halos anim na raang sample ng gamot na nasuri ng Center for Drug Regulation and Research ng Food and Drug Administration, lumabas na anim na porsiyento ay mga counterfeit, walumput-isang porsyento ay unregistered habang nasa labing tatlong porsiyento naman ay mga illegally diverted.
Pangkaraniwang nabibili ang mga gamot na ito sa online shopping, maging sa mga hindi lisensyadong tindahan ng mga gamot.
Noong 2014, tinatayang 2.9 milyong pisong halaga ng mga peke at unregistered na gamot ang nakumpiska ng FDA, habang nasa mahigit limang milyong pisong halaga naman nito ang nakumpiska ngayong taon.
Dahil dito ,nababahala ang Food and Drug Administration at iba pang mga pharmaceutical association dahil sa lumalalang kaso nito sa Pilipinas.
Upang lalo pang mapaigting ang kampanya kontra iligal na pagbebenta ng mga pekeng gamot, hiniling ng FDA ang kooperasyon ng publiko, sa pamamagitan ng agarang pagbibigay alam ng mga ganitong kaso sa kanilang tanggapan.
Ayon sa Center for Drug Regulation and Research, importante na suriing mabuti ang lebel ng mga gamot na ating binibili upang matukoy kung ito ay peke o hindi.
Para sa mga may nais na i-report hinggil sa mga counterfeit o pekeng gamot, tumawag lamang sa FDA hotline number 807-8275 o mag-email sa report@fda.gov.ph
Kaalinsabay ng pagdiriwang ng National Consciousness Week Against Counterfeit Medicines, muli ring nagpaalala ang ahensya sa publiko na bumili ng mga gamot sa mga botikang lisensyado ng FDA, at ugaliing humingi ng resibo. (Joan Nano/UNTV News)
Tags: Center for Drug Regulation and Research, counterfeit, Food and Drug Administration, pekeng gamot