Farm gate price ng palay, hinihiling na itaas– FCLFC

by Radyo La Verdad | March 25, 2022 (Friday) | 3658

METRO MANILA – Nananawagan ang Federation of Central Luzon Farmers’ Cooperative (FCLFC) na bilhin ng gobyerno ang mga aning palay sa halagang ₱23.00 kada kilo dahil sa pagtaas ng cost of production at presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay FCLFC Chairperson Simeon Sioson, mas ninanais pa ng mga magsasaka na ibenta ang kanilang ani sa mga private trader kaysa sa National Food Authority (NFA) dahil mas malaki ang kanilang kikitain sa mga private trader kumpara sa ₱19.00 kada kilong palay na presyong binibili ng NFA.

Dagdag pa ni Sioson, tumataas ang cost of production kung kaya’t unti-unting nalulugi ang mga magsasaka.

Ayon kay NFA-Bulacan Manager Sheryl Gamboa, naglalaro mula ₱16.00 – ₱22.00 kada kilo ang farm gate price ng palay depende sa kalidad nito samantalang ang mga rice trader ng Intercity Industrial Estate and Golden City Business Park sa Bocaue, Bulacan ay binibili ang mga ordinaryong palay mula ₱20.50 hanggang ₱21.50 kada kilo. Bukod pa rito ang ₱22.00 hanggang ₱23.00 na presyo ng aromatic palay.

Ani ni Sioson, oras nang pag-isipan ng mga agriculture economic manager ang nasabing increase ng palay hanggang ₱23.00 kada kilo upang magsilbing tulong sa mga magsasaka nito.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,