Fare hike sa PUV, mas mababa kumpara sa petisyon ng transport groups

by Radyo La Verdad | September 19, 2022 (Monday) | 8086

METRO MANILA – Dumaan sa masusing pag-aaral ang mga petisyon para sa dagdag-pasahe ng mga transport group.

Ito ang pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos aprubahan ang fare increase sa ilang public utility vehicle (PUV).

Paliwanag ni LTFRB Chairperson Cheloy Garafil, mas mababa ang naaprubahang dagdag pasahe kumpara sa nakasaad sa mga fare hike petition.

Batay sa inaprubahan ng LTFRB, magkakaroon ng P1 dagdag-pasahe sa mga tradisyunanal at modern public utility jeepney (PUJ) sa unang 4 na kilometro na byahe.

Habang P0.30 naman ang karagdagan sa kada susunod na kilometro sa mga tradisyunal na dyip, at P0.40 naman sa modern PUJ.

Para naman sa mga city at provincial buses, inaprubahan ng board ang P2 dagdag-pasahe sa mga base fare nito sa unang 5 kilometrong byahe.

Habang ang mga susunod na byahe ay aakyat ng P0.35-P0.50 depende sa uri ng bus. Tataas din ang flag-down rate ng mga taxi at Transport Network Vehicle Service TNVS ng P5, ngunit wala nang dagdag sa mga susunod na kilometro ng byahe.

Ayon sa ilang transport groups, hindi man naibigay sa kanila ang kanilang buong kahilingan ay malaking tulong na rin ito para sa mga driver at operator ng mga PUV.

Ipatutupad ang dagdag-pasahe sa pampublikong sasakyan sa ika-4 ng Oktubre.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , , , ,