METRO MANILA – Muling naglaan ng oras si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talk to the nation kagabi (September 20) upang tuligsain si Senator Richard Gordon, ang tagapanguna sa Senate Blue Ribbon Committee na nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y overpriced medical supplies na binili ng administrasyong Duterte.
Si Senator Gordon din ang chairman ng Philippine Red Cross na nais ipa-audit ng punong ehekutibo sa Commission on Audit (COA).
Kagabi, kinuwestyon ng pangulo ang pagkakaroon umano ng false positive testing results sa COVID-19 ng ilang laboratoryo ng humanitarian organization.
Direktiba ng pangulo sa Department Of Health (DOH), imbestigahan ito.
“Ang mahirap nito, Dick, is paano yung mga tao na tumanggap na lang sa PCR test ninyo na positive sila when all along negative sila but because walang pera, at hindi masyado the meek and hindi assertive ones, pasunod-sunod na lang and had to endure a confinement of 2 weeks when all along, tested negative pala sila. because of this information, then maybe the doh must investigate the matter, you could be putting people at risk, you could be falsely adding to the total positive cases per day of this country.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Katuwang ng pamahalaan ang PRC sa pagresponde sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsasagawa ng coronavirus testing lalo na noong nakalipas na taon kung kailan kulang na kulang pa ang testing capacity sa bansa.
Bukod dito, inakusahan din ng pangulo ang senador ng diversion ng pork barrel funds nito sa PRC.
“Gusto ko malaman, tumanggap ka ba ng 88 million sa PDAF mo? Pinarking mo ba ang PDAF mo so you co-mingle it with money of the Red Cross and congress yung nakuha mo, ngayon the money is lost forever, it cannot be accounted for, if this is true.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagaman, di tumitigil ang punong ehekutibo sa pagtuligsa kay Senador Gordon, iginiit nitong layon ng mambabatas na sirain ang kaniyang reputasyon at guluhin ang pamahalaan.
Hamon din nito, magsampa na lamang ng reklamo sa korte o o ombudsman kung may nakikitang katiwalian ang senador sa procurement deals ng kaniyang administrasyon.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: PRC, RT-PCR Test