Fake Division ng DOJ, nagbabala sa publiko laban sa mga pekeng Job offer ngayong nalalapit na holiday season

by Radyo La Verdad | November 25, 2021 (Thursday) | 32226

METRO MANILA – Iba’t-ibang modus operandi ang naglilitawan at lumalaganap tuwing holiday season.

Ito kasi ang panahon kung saan may pera ang mga tao dahil sa natatanggap na bonus at 13th month pay sa trabaho.

Ngunit dahil sa epekto ng pandemya, marami sa mga kababayan natin ang nagipit sa pinansyal at naghahanap ngayon ng mapapagkakakitaan.

Kaugnay nito, pinagiingat ngayon Ng Cyber Crime Divison ng Department of Justice ang publiko laban sa mga nag aalok ng trabaho mula sa mga hindi kilalang cellphone numbers.

Ilan sa mga palantandaan ng pekeng job offers ay kapag nanghihingi ng training fee kapalit ang malaking pa-sweldo sa inaalok na trabaho.

Pasasagutan rin ng mga ito ang mga aplication na nangangailang ng mga personal na detalye na gagamitin ng mga scammer para sa identity theft.

Nauna nang nagbabala ang National Telecommunications Commission at National Privacy Commission na magingat at huwag nang sagutin ang mga scam messages na natatanggap ng mga mobile user.

Iwasan rin na sumagot ng mga survey mula sa mga hindi rehistradong cellphone numbers. Sa halip ay i-block na ang mga ito. Maari ring i-report ang mga ito sa ntc.gov.ph/complaint.

Sa ngayon ay nakapagpadala na ng blast warning sa mga mobile user ang mga telecom companies.

Gayunman aminado rin ang ntc, na mahirap matrace ang pinagmumulan ng spam messages gamit ang prepaid simcards.

“Nakakatago po kasi sila eh. Iyon ang isang problema diyan. Ginagamit po nila yung mga prepaid sim cards. Eh hindi ho rehistrado ang mga iyan eh.” ani NTC Deputy commissioner, Edgardo Cabarios.

Samantala, iniulat rin ng isang giant shopping center company na naging target sila ng isang cyber-attack na agad rin nila naresolba at nai-report na sa NPC.

Sa isang statement, kinumpirma nito na may ilang membership data ang nakompromiso gaya ng contact numbers, gayunman agad itong naagapan at tiniyak ng kumpanya na nanatiling secured ang credit card at iba pang financial information ng kanilang mga customer.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,