Fact finding team na mag-iimbestiga sa Kidapawan incident, binuo ng PNP

by Radyo La Verdad | April 6, 2016 (Wednesday) | 1579

KIDAPAWAN
Nagtungo na sa Kidapawan ang binuong fact finding team ng pambansang pulisya upang imbestigahan ang nangyaring marahas at madugong dispersal sa mga nagpo-protestang magsasaka sa Kidapawan noong Biyernes.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office Chief P/CSupt. Wilben Mayor, ang fact finding team ay pinumumunuan ni P/Dir Isagani Nerez ang Director for Integrated Police Operation ng PNP Western Mindanao habang ang mga miyembro ay sina P/SSupt. Felix Servita, P/Supt. Danilo Macerin, P/Supt. Raneiro De Chaver at P/SSupt. Daniel Macatlang.

Layunin ng pagbuo ng fact finding team na malaman kung ano ang tunay na naganap sa Kidapawan at kung bakit nagresulta ito sa npagkakasugat ng halos isang daan pulis, pagkasawi ng dalawang raliysita at pagkakalagay sa kritikal na kondisyon ng dalawang pang tauhan ng PNP.

Sinabi pa ni Mayor na sakaling mapatunayan na may pagkukulang ang mga pulis ay agad na papatawan ng kaukulang parusa.

Nanawagan din ang opisyal sa mga nakasaksi sa insidente na tumulong sa kanilang imbestigasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga detalye hinggil sa pangyayari.

Bukas din aniya ang PNP sa isasagawang imbestigasyon ng iba pang ahensya ng pamahalaan sa Kidapawan incident.

Dagdag pa ni Mayor, nakikisimpatiya din sila sa mga raliyistang nasawi at nasaktan sa naturang insidente kaya’t tinitiyak na magiging transparent ang kanilang gagawing imbestigasyon.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: , ,