.0009 percent o 33 piraso sa isang milyong banknotes na nililikha ng Bangko Sentral ng Pilipinas kada isang araw ang misprinted o may pagkakamali sa pagkaka-imprenta dahil sa technical o machine printing error ayon sa BSP.
Kaugnay ito sa nagtrending na post sa social media ng isang netizen na ang na-withdraw ay faceless 100 peso bills sa ATM ng isang bangko. Ilan umano sa 33 misprinted banknotes na ito ang turned over na sa BSP ng branch ng bangko kung saan nag-withdraw ang naturang netizen.
Ang printing machine na ini-acquire ng BSP noong nakalipas na buwan ang ginamit din upang tukuyin kung anong batch ng banknotes ang apektado ng naturang glitch.
Umapela naman ang BSP sa publiko na kung sakaling may natanggap na misprinted banknotes ay direktang makipag-ugnayan at ibalik sa BSP sa halip na i-post sa social media upang maiwasan na umanong makalikha ng alarma sa publiko.
Ayon sa BSP, minsan lang magkaroon ng insidente ng misprinting ng banknotes, isang beses ay sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Arroyo kung saan “Arrovo” ang na-imprentang apelyido ng dating punong ehekutibo at pinakahuli ang iilang faceless 100 peso bills na nai-load sa ATM.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: BSP, faceless P100 bills, misprinted