Face-to-face classes sa mga paaralan na apektado ng lindol sa Northern Luzon, posibleng maantala

by Radyo La Verdad | August 1, 2022 (Monday) | 2554

METRO MANILA – Mahigit 9,000 paaralan sa Luzon ang naapektuhan ng magnitude 7 na lindol nitong Miyerkules.

sa ulat ng Department of Education (DepEd), 263 dito ang kailangang ayusin at tinatayang aabot sa P1.48-B ang magagastos.

Ayon kay Atty. Micheal Poa ang tagapagsalita ng DepEd, posibleng matagalan pa bago ang repair ng mga ito at hindi na aabot sa pagbubukas ng klase sa August 22.

Dahil dito, pinag-aaralan na ngayon ng DepEd ang posibilidad na i-urong muna ang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralang apektado ng lindol.

Liban sa planong remote learning gaya ng module, plano rin ng DepEd na maglagay muna ng mga temporary learning spaces kung saan pansalamantalang magka-klase ang mga estudyante.

Pansamantalang itinigil ng DepEd ang physical enrollment sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Gayunman tuloy pa rin ang drop box enrollment kaya’t maaari pa ring magpatala ang mga estudyante.

Samantala, ngayong araw (August 1) uumpisahan na ng DepEd ang taunang Brigada Eskwela.

Isang Kick-off ceremony ang isasagawa mamaya na pangungunahan ni Education Secretary at Vice President Sara Duterte sa Imus Pilot Elementary School sa Imus City, Cavite.

Dito sabay-sabay na maglilinis ng mga classrooms ang mga estudyante, guro, parents at guardians maging ang volunteers sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa. Tatagal ang Brigada Eskwela hanggang August 26.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: