Face-to-face campaign sa 2022 elections, lilimitahan dahil sa pandemya – Comelec

by Erika Endraca | February 16, 2021 (Tuesday) | 17636

METRO MANILA – Aminado ang Commission On Elections (COMELEC) na malaking hamon ang pagpapanatili ng kaligtasan ng mga Pilipino kasabay ng campaign period para sa 2022 national and local elections.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, mababago ang mga dating campaign practice na karaniwang ginagawa sa mga nagdaang eleksyon.

“As a general principle, tanggapin na natin na hindi na magiging kapareho ng lumang pangangampanya ang makikita nating pangangampanya sa ngayon. Obviously, magbabago dahil babawasan natin hangga’t maaari yung face to face campaign.” ani Comelec Spokesperson, Dir. James Jimenez.

Nakatakda ang filing of certificate of candidacy ng national at local candidates mula October 1 hanggang October 8 ngayong taon para sa May 9, 2022 elections.

Habang sa 2022 naman magsisimula ang mga pormal na pangangampanya na pangungunahan ng national candidates simula February 8 hanggang may 7

Samantalang ang local level naman ay magsisimula pa sa March 25 hanggang May 7.

Samantala, patuloy na nananawagan ang Comelec sa publiko na pahalagahan ang voter registration at magparehistro na hangga’t maaga pa.

“So, yun yung dalawang mahalagang dahilan kung bakit ka kailangan kang bumoto. Una, dahil karapatan mo yan. Libre yan. Nasa sa’yo na yan. Sayang naman kung hindi mo gagamitin. Pangalawa, dahil bahagi ka ng lipunan at may pagkakataon kang ayusin ang sistema ng pamamalakad sa iyong bansa.” ani Comelec Spokesperson, Dir. James Jimenez.

Bukod sa pagbabago sa schedule ng voter registration na ipinatutupad na simula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon Martes hanggang Sabado kabilang na ang holidays.

Pinalawig din ang registration hours para sa mga magpaparehistro bilang overseas voter sa mga kaukulang local field registration centers ng Comelec.

Muling namang nilinaw ng Comelec na ang mga nagparehistro na sa Sangguniang Kabataan para sa 2018 SK polls ay otomatiko na ring rehistrado para sa 2022 national at local elections.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,