METRO MANILA – Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Technical Advisory Group ng Department Of Health (DOH) at medical experts na maaaring magluwag sa pagsusuot ng face shield sa labas ng bahay o establisyemento.
Pero nilinaw ng pangulo na mandatory pa rin ang pagsusuot nito lalo na sa mga matataong lugar o dikit dikit ang tao.
“Pwede na tanggalin sa labas no more face shield outside ang limitasyon ang face shield gamitin mo 3c’s, closed, whatever facility, ospital o basta magkadikit dikit , crowded ganun rin, its a crowded room, tapos closed lahat mas delikado, atsaka ang closed contact kung magkadikit dikit ang tao so diyan applicable pa rin ang face shield” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa pangulo noong una, nababahala siya sa banta ng COVID-19 Delta variant kaya ni-require niya ang pagsusuot ng face shield.
“Sabi ko takot ako sa lalo na pagdating ng COVID ,I got so scared that I order the reimposition of the face shield, ang akin naman sabi ko maski gaano kaliit yung contributing factor niya to avoid COVID ok na lang” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Agad na maglalabas ng panuntunan ang pamahalaan ukol sa pagsusuot ng face shield.
“I have ordered that the implementation guidelines be issued immediately” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Ilan sa mga eksperto na rin ang nagkukwestiyon kung epektibo nga ba face shield bilang proteksyon sa COVID-19 virus.
Pero iginigiit noon pa ng advisory panel ng pamahalaan na nagbibigay ng dagdag na proteksyon ang face shield lalo na sa mas nakakahawang Delta variant.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Face shield