Face shield, maaari nang di gamitin sa mga lugar na nasa Alert Level 3 pababa

by Erika Endraca | November 16, 2021 (Tuesday) | 3388

METRO MANILA – Kasabay ng tuloy-tuloy na pagbaba ng daily new COVID-19 cases sa bansa, niluwagan na rin ang paggamit ng face shield pagkatapos ng halos 1 taon na mandatory na paggamit nito.

Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kaugnay ng face shield policy.

Batay sa memorandum na inilabas ng tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, limitado na lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 5 at granular lockdowns ang paggamit ng face shields.

Sa areas naman na nasa alert level 4, nasa diskresyon ng mga lokal na pamahalaan at pribadong establisyimento ang pagpapatupad ng face shield policy.

Sa mga nasa alert level 3, 2, at 1, voluntary na lamang ang pagsusuot ng face shields.

Ibig sabihin, sa metro manila na nasa alert level 2, opsyonal na lang ang paggamit nito.

“Ok, tanggalin na ninyo ang shield, pwede na ninyong tanggalin ang shield, but not the mask, mask will forever remain and will be part of our day to day part of safety measure kasi matagal pa itong virus na nasa hangin lang” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, mandatory pa rin ang pagsusuot ng face shields sa medical at quarantine facility settings at required pa rin ang healthcare workers na gumamit nito sa healthcare settings.

Samantala, umapela naman si Pangulong Duterte sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa na nagtatakda ng age-restrictions sa mga pumupunta sa mall.

Ito ay matapos mapaulat na isang 2 taong gulang ang nagpositibo sa COVID-19 matapos mamasyal sa mall.

“I am calling all local government units to consider passing ordinances for age restrictions among minors, who can be allowed to go the malls. Certainly, we cannot allow those below 12 years old or those who are still unvaccinated to be exposed to the risk of getting COVID-19 in public places.” ani Pangulong Rodrigo Duterte

(Rosalie Coz| UNTV News)

Tags: ,