48 oras pagkatapos na maipresinta ang lahat ng mga testigo at ebidensya ng prosekusyon, inaasahang reresolbahin ng Sandiganbayan Third division kung pagbibigyan o hindi ang mosyon na makapagpiyansa ni Janet Lim Napoles sa kasong plunder at graft kaugnay ng PDAF scam ayon sa regulasyon ng Korte Suprema.
Kaninang ala-tres ng hapon ang nakatakdang deadline ng pagsusumite ng anti-graft court ng desisyon nito dahil noong lunes ay submitted for resolution na ang bail petition ni Napoles.
Subalit, humiling pa ang Sandiganbayan Third division sa Korte Suprema na palawigin pa ng sampung araw upang masuring maigi ng mga justice ang lahat ng mga ebidensya at testimonyang iprinisenta sa korte laban kay Napoles.
Ayon sa rules of court ng Korte Suprema, ang bail petition ay dapat maging summary in nature ng mga kasong kinakaharap ng isang akusado.
Kaya malaki ang epekto ng resulta ng bail petition ni napoles sa mga kasong plunder at graft na kinakaharap nito sa Sandiganbayan.
29 na testigo ang iniharap ng prosecution panel laban kay Napoles bukod pa ito sa daan-daang pahinang documentary evidence.
Ganunpaman, anuman ang kahinatnan ng petisyon, mananatili pa ring nakakulong sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong city si Napoles dahil sa habambuhay na pagkabilanggo ang hatol sa kanya ng Makati regional trial court sa serious illegal detention sa whistleblower na si Benhur Luy.(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)
Tags: Korte Suprema, Napoles, Sandiganbayan