Wala pang natatanggap na pormal na request mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Commission on Elections (Comelec).
Kaugnay ito ng nais ng kagawaran na extension ng pagpapasa ng certificate of candidacy (COC) para sa nais na kumandidato sa Sangguniang Kabataan elections.
Ayon sa kay Comelec Spokesperson Dir. James Jimenez, hindi na ito posible lalo na’t bukas ay Mayo na at magsisimula na sa May 4 ang campaign period
Ayon pa sa Comelec, sa kanilang evaluation sa mga naisumiteng COC, kakaunti lang din ang mga barangay na wala talagang nagsumite ng kandidatura.
Maglalabas anila sila ng listahan ng mga lugar sa bansa na may mga kulang na kandidato para sa hanay ng mga kabataang opisyal.
Batay sa probisyon ng Republic Act 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Act Of 2015, kapag walang tatakbo na SK candidates sa isang lugar, ang DILG ang magtatalaga ng local development youth office para may manguna at tatayong SK officials sa isang barangay na walang kandidato.
Samantala, sa Martes ay posible na ring ilabas ng poll body ang opisyal na listahan ng mga qualified candidate para sa May 14 barangay at SK elections.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )