Extension ng martial law sa Mindanao, walang matibay na basehan – LP Senators

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 1618

Dumating sa security briefing sa Senado kaninang umaga ang mga opisyal mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dito ipinaliwanag nila sa mga senador ang dahilan ng hiling ng Pangulo na muling palawigin ng isa pang taon ang batas militar sa Mindanao. Hindi naman nakumbinsi ang Liberal Party senators sa paliwanag ng mga ito.

Ayon kay Senate Minority Leader Sen. Franklin Drilon, wala itong sapat na basehan sa ilalim ng konstitusyon.

Ipinahayag naman ng Senator Bam Aquino na ang pagtatapos ng bakbakan ay nangangahulugan na tapos na rin ang rebelyon.

Ngunit paninindigan ng Malacañang, may factual basis ang pagdedeklara ng martial law at walang dahilan upang hindi sila suportahan ng Kongreso.

Nanindigan naman si National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon na may sapat na dahilan ang hiling na martial law extension ng Pangulo. Marami pa rin aniyang dapat gawin ang pamahalaan sa Mindanao upang tuluyang makamit ang kapayapaan.

Sa kabila ng mga pagtutol, naniniwala pa rin ang Opposition Bloc ng Senado na pagbibigyan ang hiling na ito ng Pangulo sa isasagawang special joint session bukas dahil na rin sa mayorya ng nasa Kongreso ay kaalyado ng administrasyon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,