Extended danger zone sa paligid ng Mt. Mayon, pinalawig sa 9km

by Radyo La Verdad | January 24, 2018 (Wednesday) | 2836

Nananatili pa ring nakataas sa alert level 4 ang Bulkang Mayon at ayon sa PHIVOLCS malaki pa rin ang posibilidad na anomang oras mula ngayon ay posible nang sumabog ang bulkan.

Dahil sa patuloy na pagbubuga ng makakapal na abo at pagbulwak ng lava mula sa loob ng bulkan, nagdesisyon na ang ilang lokal na pamahalaan sa Albay na palikasin na rin ang ilang residente na nakatira sa 9 kilometer extended danger zone.

Sa datos ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, umaabot pa sa mahigit tatlong daang mga pamilya ang nakatira sa extended PDZ.

Kasama sa mga bayan na nag-extended ng danger zone, ang Camalig, Ginobatan, Ligao at Sto.Domingo.

Sa pinakahuling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 14,241 na mga pamilya o 56,217 na mga indibidwal na ang pansamantalang nanatili ngayon sa mga evacuation center.

Patuloy pa rin ang pamamahagi ng PDRRMC ng mga relief goods banig kumot at mga gamot para sa mga evacuee.

Subalit dahil sa dami ng mga inililikas, problema na rin sa ngayon ang pagsisiksikan at pagkakasakit ng ilang mga residente.

Samantala sa kabila ng sitwasyon, batay sa abiso na ipinalabas kagabi ng Albay Provincial Office, binawi na ang suspensyon ng klase kaya’t may pasok na pong muli ngayong araw ang mga estudyante sa mga bayan ng Daraga, Camalig, Ginobatan, Legazpi City, Oas, Ligao at Polangui.

Paliwanag ng tagapagsalita ni Gov. Bichara, ini-lift ang class suspension dahil may mga lugar naman aniya na hindi gaanong apektado ng ash fall mula sa Bulkang Mayon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,