Expansion ng face-to-face classes, inirekomenda ng DEPED sa mga lugar na nasa alert level 1 at 2

by Radyo La Verdad | January 18, 2022 (Tuesday) | 4589

Iniulat ni DEPED Sec. Leonor Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, (Jan. 17, 2022) na naging matagumpay ang pilot implementation ng face-to-face classes mula November 15 hanggang December 22.

Ayon sa kalihim, sa 287 na schools na sumali, walang naiulat na nagka-Covid at mataas an satisfaction level ng mga sumali sa limited face-to-face classes, kaya inirekomenda ni DEPED Secretary Briones na i-expand ito pagsapit ng Pebrero.

“’Yon ang aming proposal Mr. President, Februay ang page-expand pero maingat pa rin taking into considerations the advise of Department of Health, the LGU and now the Department of Justice”, ani DEPED Sec. Leonor Briones.

Tiniyak ng kalihim na hindi naman sila agad-agad na magdedesisyon ukol sa face-to-face classes kung hindi muna rin kukonsulta sa mga kinauukulan.

“Hindi kami mage-expand ng basta-basta ng hindi mangangatok sa local government, hindi namin makuha ang written consent ng parents”,  dagdag ni DEPED Sec. Leonor Briones.

Inirekomenda rin na tanging mga bakunadong guro at non-teaching personnel ang papayagan na sumali sa face-to-face classes.

Mas nais rin ng DEPED na ang mga sasamang estudyante rito ay mga bakunado na rin kontra Covid-19.

Dahil sa banta ng omicron variant, iniulat naman ni CHED Chairperson Prospero de Vera na ipinagpaliban ng maraming Unibersidad ang pagsisimula ng kanilang second semester sa Pebrero.

Dagdag pa nito, ayon kay De Vera may ilan pa ring mga Unibersidad lalo na sa mga naapektuhan ng nakaraang bagyo ang hindi pa makapagbukas.

Nel Maribojoc | UNTV News

Tags: , , ,