Expanded SRP, pinarerepaso ng consumer group sa DTI

by Radyo La Verdad | August 2, 2018 (Thursday) | 2608

Nag-ikot sa ilang supermarket ang isang consumer group upang masuri kung sinusunod ng mga ito ang suggested retail price (SRP). Bitbit ng Laban Konsyumer group ang dating SRP at ang expanded SRP ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon sa presidente ng Laban Konsyumer group, napansin nila na tumaas ang presyo ng maraming produkto sa expanded SRP. Kabilang dito ang ilang brand ng sardinas at corned beef na nagtaas ng mahigit piso.

Apela ng mga ito sa DTI, repasuhin ang expanded SRP dahil mayroon dito na maituturing na overpriced.

Pero ayon sa DTI, masusi nilang pinag-aralan ang aplikasyon ng mga manufacturer na nagtaas ng presyo at siniguradong makatwiran ito.

Bukod dito, mayroon pang nakabinbin na aplikasyon ng ilang manufacturer na nais magtaas ng presyo gaya ng isang brand ng detergent soap.

Pero magandang balita sa mga consumer ng gatas dahil mas mababa pa sa SRP ang ilang mga brands na nasa merkado.

Nangangamba naman ang consumer group dahil sunod-sunod ang aplikasyon ng mga manufacturer sa pagtataas ng kanilang mga presyo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,