Expanded COVID-19 test at dagdag na transportasyon, prayoridad ng pamahalaan para pasiglahin ang ekonomiya – NEDA

by Erika Endraca | July 3, 2020 (Friday) | 1767

METRO MANILA – Isa sa inilatag na panukala sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease ay ang pagkakaroon ng mas maraming COVID-19 test sa susunod na taon.

Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Chua, may inihain ng resolusyon sa iatf para makapagsagawa ng covid test sa 10-M Pilipino sa taong 2021.

Ayon kay Chua, hindi lamang mga health workers at iba pang frontliner ang pangunahing isasalang dito kundi maging ang hanay ng mga manggagawa.

Ayon sa kalihim, kung mas maraming COVID-19 test ang maisasagawa ay mas maraming negosyo ang magbubukas na magiging daan para may mapasukan ng trabaho ang mga manggagawa.

Dahil aniya sa pagluluwag ng community quarantine ay bukas na ngayon ang 75% ng ekonomiya ng bansa.

Pero nasa 50% pa lamang ang transportasyon kaya target din ng pamahalaan na madagdagan ang bilang ng mga masasakyan ng mga tao lalo na ang mga papasok sa trabaho.

Umaasa ang NEDA na mababawasan na ang bilang ng mga walang trabaho sa mga susunod na buwan na ngayon ay umabot na sa mahigit 17-M.


Posible ring luwagan pa ang community quarantine at gawing localized na lamang ito o sa mas maliit na komunidad na may mataas na COVID-19 cases.

Pangunahing tututukan ng pamahalaan ang kalusugan at paglikha ng pagkain.

Ang mga ganitong produkto rin ang tinataya ng neda na magiging in-demand ngayon kasama ang electronic devices.

Hindi inaasahan ng NEDA na aangat ang ekonomiya ng Pilipinas sa taong ito dahil sa epekto ng COVID-19 pero sa 2021 ay tinatayang aabot sa 9% ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: