Exemption sa number coding ng mga motorista na magka-carpooling, planong ipatupad ng MMDA

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 2682

 

Muling ipinatawag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority ang mga mayor sa Metro Manila, ito ay upang pag-usapan ang iba’t-ibang mga panukala na magbibigay solusyon sa problema sa trapiko sa kalakhang Maynila.

Isa sa tinalakay sa pulong ang plano ng MMDA na i-exempt sa number coding ang mga sasakyan na magka-carpooling o magsasakay ng higit sa tatlong kakilala.

Layon ng programa na mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa kalsada. Sa datos ng MMDA, 78 porsiyento ng mga sasakyang bumibiyahe sa Metro Manila ay iisa lang ang lamang pasahero.

Para sa mga mayor ng Metro Manila, kailangan munang idaan sa masusing pagaaral ang naturang sistema. Pabor ang ilang  motorista hinggil dito. Tinalakay rin ng ang panukalang 2-day number coding scheme, at ang suhestyon na gawing One-Way Highway ang EDSA, C5 road at Roxas Boulevard.

Nilinaw ng mga ito na hindi nila isinasantabi ang panukala, pero kinakailangan munang magkaroon ng siyentipikong pag-aaral upang makita ang magiging epekto nito sa trapiko.

Plano ng Metro Manila Council na isagawa ang mga pag-aaral at simulation ng panukala sa susunod na taon.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,