Suportado ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council ang panukalang pag-amyenda sa bank secrecy law ng Pilipinas.
Kabilang sa mga maaaring gawing pagbabago sa batas ay ang pag-eexempt ng lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno upang mas madali silang maisailalim sa lifetsyle check.
Lalagyan naman ng espesipikong kundisyon ang batas para sa mga pribadong indibidwal.
Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Amado M. Tetangco Jr. Humihingi sila ng awtorisasyon sa Kongreso upang mas madali nila matignan ang mga bank account na kinakikitaan ng iregularidad, o anumang aktibidad na maaaring labag sa batas.
Sa ngayon aniya ay nahihirapan sila na ma-trace ang mga pinupuntahan ng pera mula sa illegal activities dahil sa umiiral na batas.
Ayon naman kay Sen. Francis Escudero na siyang Chairman ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies malaki ang posibilidad na susugan nila ang pag-amyenda ng batas.
Kailangan lang aniya na siguraduhin na hindi ito maabuso.
Maliban sa bank secrecy amendments, isa ring nakikita ni Sen.Escudero ay ang pagpasa ng hiwalay na batas upang iutos sa ang lahat ng government officials at employees na magpasa rin ng waiver para tignan ang kanilang mga bank account kasabay ng pagpapasa nila ng Statement of Assests Liabilities and Networth o SALN.
Samantala, inimungkahi naman ni Sen.Escudero bukas siya sa pag-aamyenda ng batas upang masama bilang predicate crime ang mga kaso patungkol sa droga.
Sisimulan na ng technical working group ng komite ngayong buwan ang pagpupulong tungkol sa mga detalyadong pagbabago at amenyenda sa bank secrecy law.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: Exemption ng lahat ng gov’t. officials employees sa bank secrecy law, isinusulong sa Senado