Executive Order ni Pangulong Aquino kaugnay ng Coco Levy Fund, nais ipawalang-bisa ng ilang magniniyog sa Quezon

by Radyo La Verdad | July 21, 2015 (Tuesday) | 3669

NIYOG
Muling iginiit ng grupo ng mga magniniyog sa lalawigan ng Quezon ang kanilang pagtutol sa panukalang isapribado ang 74.3 billion-peso Coco Levy Fund upang proteksyunan ang karapatan ng maliliit na coconut farmers.

Sa isinagawang pagdinig sa Sangguniang Panlalawigan ng Quezon, nais ng grupong CLAIM o “Coco Levy Fund Ibalik sa Amin” na ipawalang-bisa ang nilagdaang Executive Order 179 at 180 ni Pangulong Aquino na una nang pinigil ng Korte Suprema noong nakaraang Hunyo.

Giit ng mga magsasaka, kapag isinapribado ang Coco Levy Fund, tanging malalaking kumpanya lamang ang makikinabang at hindi ang maliliit na magniniyog sa bansa.

Panukala ni Anak-Pawis Partylist Rep. Fernando Hicap, ilaan ang pondo sa dalawang bahagi: una ay para sa social benefits ng mga magsasaka tulad ng pagbibigay ng pensyon, medical assistance at scholarship program;

Ang ikalawa naman ay para sa socio-economic activity upang magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan ang mga magniniyog.

Sinabi rin ng grupo na hindi na kailangang lagyan ng pondo ang Coconut Industry Development dahil may sariling pondo ang Philippine Coconut Authority para sa pagsasa-ayos ng mga niyugan.

Tags: ,