Hindi umano mag-aaksaya ng panahon si dating Senador Juan Ponce Enrile sa apela ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa Ombudsman na ipakansela ang kaniyang piyansa sa kasong plunder.
Sa sulat kay Ombudsman Samuel Martires, sinabi ni Mamba na nagsinungaling sa korte si Enrile tungkol sa kalusugan. Patunay umano ang pagnanais nitong makabalik sa Senado at hindi malubha ang kalusugan nito, taliwas sa sinasabi ng korte kaya ito pinayagang magpyansa at pansamantalang makalaya.
Pero ayon kay Enrile, galit lang sa kanya si Mamba kaya naman nais nitong maibalik siya sa kulungan. Katwiran pa ng dating senador, sa ilalim ng batas ay ipinagpapalagay siyang inosente hanggat hindi siya nahahatulang may-sala ng korte.
Iginiit pa nito na ang korte lamang ang may kapangyarihang magbalik sa kanya sa kulungan.
Sinabi pa ni Enrile na hanggang ngayon ay walang konkretong ebidensiya sa akusasyong nakinabang siya sa bilyong pisong pork barrel scam.
Nitong nakalipas na linggo, naghain ng certificate of candidacy (COC) si Enrile upang tumakbong senador sa 2019 midterm elections.
Naghain din ng kandidatura sina dating Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada na akusado rin sa mga kasong plunder kaugnay ng PDAF scam.
( Charlie Barredo / UNTV Correspondent )
Tags: Ex-Sen. Enrile, PDAF scam, piyansa