Ex-SAF chief Napeñas, itinanggi na tumanggap ng pondo mula sa Amerika para sa Mamasapano Ops

by dennis | April 8, 2015 (Wednesday) | 976

hearing_house_napenas-2

Hindi nanggaling sa Amerika ang pondong ginamit sa Mamasapano operation.

Ito ang iginiit ni dating Special Action Force director Getulio Napeñas sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara ngayong araw.

Sa pagtatanong ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, sinabi ni Napeñas na mahigit P300,000 ang ginastos sa operasyon taliwas sa mga naunang pahayag nito sa BOI na P100,000 ang ginamit na pondo.

Pero hindi pa rin pinaniwalaan ni Zarate ang P300,000 na budget dahil sa pamasahe pa lamang ng 392 SAF personnel ay kulang na ito.

Paliwanag naman ni Napeñas, ang mga pulis na dineploy sa Mamasapano ay galling sa mga karatig lalawigan kaya hindi na sila mangangailangan ng eroplano.

Sa pagtatanong naman ni Kabataan party-list Rep. Terry Ridon, muling giniit ni Napeñas na wala silang tinatanggap na pondo mula sa Amerika.