Kasama ang kanyang pamilya at abogado ay nagtungo sa Sandiganbayan si dating Palawan Governor Joel Reyes upang sumuko, ito’y matapos maglabas ng warrant of arrest ang anti-graft court dahil sa pagkansela sa piyansa nito.
Noong August 29, 2017 ay nahatulang may sala si Reyes sa kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Dahil ito sa pagre-renew o muling pagbibigay ng permit sa isang small scale mining company noong 2006.
Sa resulosyon ng Sandiganbayan na lumabas sa media kahapon ay kinumpirma nito ang hatol na “guilty” laban kay Reyes na may parusang pagkakakulong ng 6 hanggang 8 taon.
Umapela si Reyes noong September 8 kaya’t pansamantala itong nakalaya. Subalit Binawi din ito ng Sandiganbayan dahil posible umano itong tumakas.
Nitong Enero lamang ay pinawalang sala ng Court of Appeals ang dating Palawan governor sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Gerry Ortega noong 2011.
Si Reyes ay lumipad patungong Thailand noong 2012 subalit nadeport ito sa Pilipinas matapos mahuli doon noong September 2017. Ikinulong si Reyes sa Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ayon sa kampo nito, maaaring silang umapela sa Sandiganbayan para sa hiling na makapagpisyansa habang iaakyat naman nila sa Korte Suprema ang kaso para sa motion to review.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: Ex Gov. Reyes, pag-aresto, Sandiganbayan