METRO MANILA – Binalaan ni House Deputy Majority Leader at dating Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin ang publiko laban sa paggamit ng vape.
Kasunod ito ng naitalang kauna-unahang kaso ng pagkamatay sa Pilipinas dahil sa paggamit nito kung saan ang isang 22 anyos na lalaki ang nasawi matapos ang tuloy-tuloy na paggamit ng vape sa loob ng 2 taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng mambabatas na kailangan mamulat na ang lahat sa panganib ng paggamit ng naturang device lalo na sa mga kabataan dahil sa masamang epekto nito sa katawan na maaaring mauwi sa kamatayan.
Ikinababahala ni Representative Garin ang mga ulat na nagsasabing may mga kabataang edad 13 anyos ang nahuling gumagamit na ng e-cigarette at vapes kaya muli nitong binigyang-diin na hindi safe na gawing alternatibong paraan ang nasabing kagamitan para maiwasan ang paninigarilyo.