Ex-Cabinet members ng Aquino administration, sinampahan ng reklamo ng DOTr sa Ombudsman

by Radyo La Verdad | November 22, 2017 (Wednesday) | 5043

Reklamong graft, plunder at paglabag sa Government Procurement Law, ito ang mga bagong reklamong inihain ng mga opisyal ng Department of Transportation laban kina former DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, former DILG Secretary Mar Roxas at pito pang mga dating miyembro ng gabinete ng Aquino administration.

Nag-ugat ito sa umano’y maanomalyang 3.8 billion pesos maintenance contract ng MRT-3 sa Busan Universal Rail Inc. na kinuha dati ng DOTC.

Kasama rin sa mga inireklamo ang mga dating kalihim na sina Florencio Abad, Cesar Purisima, Jerico Petilla, Mario Montejo, Volatire Gazmin, Rogelio Singson at Arsenio Balisacan.

Paliwanag ng DOTr, bahagi ang mga ito ng Government Procurement and Policy Board na siyang nag-aapruba sa kukuning maintenance provider ng MRT.

Dawit rin sa reklamo ang ilan pang mga dating opisyal ng DOTC, former MRT General Manager Roman Buenafe at ilang pang executive officers ng Busan Universal Rails Incoporated o BURI.

Base sa 64-pahina ng reklamo, ginamit umano bilang fundraiser nila Abaya at Roxas ang nasabing kontrata kung saan nakinabang umano ang mga ito. Itinanggi naman ni Abaya ang mga akusasyon laban sa kaniya at sa mga dating kasamahan.

Iginiit nito na sang-ayon sa batas at dumaan sa tamang proseso ang pag-aaward ng kontrata sa BURI. Handa rin umano ang dating opisyal na harapin ang mga reklamong kaniyang kinasasangkutan.

Samantala, kumpiyansa naman ang BURI na malulusutan nila ang mga naturang kaso  at nanindigang walang silang anumang pananagutan sa umano’y mga kwestionableng transaksyon na ibinibintang laban sa kanila.

Ito na ang ikalawang kaso na inihain ng DOTr laban sa mga dating opisyal na namamahala sa MRT.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,