Estudyante ng PUP, hinirang bilang Makata ng Taon

by monaliza | March 25, 2015 (Wednesday) | 1948

makata-ng-taon2015

Hinirang bilang Makata ng Taon ang estudyanterng si Christian Ray P. Pilares para sa kaniyang tulang “Pingkian” sa Talaang Ginto 2015 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nagkamit naman ng ikalawang gantimpala ang “Pananaginip kat Tud Bulul” ni Michael Jude C. Tumamac at ikatlong gantimpala ang “Bahagdan, Walang Sukat Ang Bayaning Kabataan” ni Francisco A. Monteseña.

Si Pilares ay isang freelance writer at kasalukuyang kumukuha ng kursong Broadcast Communications sa Polytechnic University of the Philippines. Ito ang kanyang kauna-unahang pagkakataon na sumali at magwagi sa patimpalak ng pagsulat ng tula na nagpasimula pa noong 1963.

Inaasahang tatanggap si Pilares ng P30,000, tropeo, at karangalan bílang Makata ng Taon 2015. Pagkakalooban naman sina Tumamac at Monteseña nang magkahiwalay na P20,000 at P15,000, kasama ang plake ng pagkilala.
Sa ika-30 ng Marso 2015 mangyayari ang parangal para sa mga nagwagi sa Kampo Balagtas, Orion Elementary School, Bataan.