METRO MANILA – Walang karapatang makialam ang Estados Unidos sa problema sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ito ang sinabi sa isang pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning matapos na magbigay ng assurance si US President Joe Biden na ipagtatanggol nito ang Pilipinas sa pag-atake ng ibang bansa kasunod ng pagbangga ng mga barko ng China sa supply boat at Philippine Coast Guard (PCG) vessel sa pinakahuling resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Ayon sa Chinese official, hindi kasali ang Estados Unidos sa usapin sa South China Sea at wala itong karapatan na makialam sa problema sa pagitan ng China at Pilipinas.
Sa ilalim ng 1951 mutual defense treaty ng Pilipinas at Amerika, may obligasyon ang Estados Unidos na saklolohan ang Pilipinas sa gitna ng pag-atake ng ibang bansa.
Binigyang-diin naman ni US President Biden na sakop ng kasunduan ang armed attack sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).