Establisyimento na nasa tabing dagat, ininspeksyon ng El Nido LGU kung sumusunod sa 3-meter no build o easement zone

by Radyo La Verdad | November 19, 2018 (Monday) | 3860

Sa 68 na mga establisyimento sa Barangay Corong-Corong na lumabag sa 3-meter no build o easement zone, 11 nalang ang hindi pa nagse-self demolish.

Sa Biyernes na matatapos ang 7 araw na palugit na ibinigay sa kanila ng LGU para mag self demolish. Kapag hindi pa sila aalis, tuluyan nang ipasasara ang mga ito.

Nangako naman ang mga may-ari ng establisyimento na susunod sila sa ipinag-uutos ng lokal na pamahalaan.

Nilinaw ni El Nido Municipal Mayor Nieves Rosento na ang pinatutupad nilang 3-meter no build o easement zone ay nasa batas.

Ang El Nido umano ay isang urban area kaya hindi maaaring ipatupad dito ang 25 + 5 easement zone na ipinatupad sa Boracay na siya namang kasalukuyang pinag-aaralan ng DENR.

Samantala, tiniyak naman ng alkalde na hindi kasing lala ng isla ng Boracay ang sewerage at waste water sa El Nido dahil taong 2016 pa umano ng simulang nilang isaayos ito.

Bawat establisyimento dito ay inuutusan nila na magkaroon ng 3 chamber septic tank na naka-konekta sa isang main pipe na papunta sa kanilang treatment facility.

Ang hindi makakapagpakita ng mga dokumento na mayroon sila ng mga ito ay hindi makakapag-renew ng kanilang business permit.

600 mga residential at business establishment na umano ang nakakonekta sa kanilang main pipe. Nagpapagawa na rin sila ng isang malaking water sanitation and central treatment facilities.

Pasado rin umano sa fecal and coliform content ang tubig ng 13 sa 14 na monitoring centers dito.

Samantala, magsisimula sa na sa ika-23 ng Nobyembre ang ikalawang dry run sa paglilimita ng tao sa small ang big lagoon.

Aalisin na rin ang mga ito sa regular package tour at gagawin nang premium tour. Ibig sabihin, kapag gusto ng turista na pumunta sa small at big lagoon kailangan nilang magbayad ng dagdag na tig 200 piso.

Bawal na rin ang pagdadala ng mga plastic sa bangka, lalo na ang mga plastic cups at plastic bottles para hindi ito maging kalat o basura sa mga dagat.

Pinapayuhan din ang mga guest na magdala nalang ng tumbler para gawin inuman.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,