Matapos ang pagsabog sa isang night market sa Davao City noong Biyernes ng gabi, binulabog ng bomb threat ang metro manila nitong mga nakalipas na araw.
Kaya naman muling pinag-aralan ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies o SOSIA at ng mga security managers ng iba’t ibang establishment ang ipinatutupad na security measures sa mga hotel, mall at maging ng mga eskwelahan sa bansa.
Ayon kay SOSIA Acting Chief PSSupt. Jose Mario Espino, importanteng malaman ang kahandaan ng bawat establisyimento at silipin kung tama ba ang security protocols na ipinatutupad sa kanilang nasasakupan.
Samantala, naghigpit na ng seguridad ang mga mall sa bansa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga nagdagdag na ng CCTV camera ang mga pangunahing malls at nagsagawa na rin ng mga seminar sa mga security guards upang maging pamilyar sa iba’t ibang uri ng bomba.
Masusi na rin ang ginagawang pagbusisi sa mga pumapasok na sasakyan at guests sa mga hotel.
Importante naman sa mga eskwelahan ang mabilis na pagkilos at kaalaman upang proteksyunan ang mga estudyante.
Bukod sa security measures, mayroon din aniya silang contingency plan, tulad ng emergency response team, search and rescue at medical team.
Paalala naman ng PNP SOSIA, agad ipagbigay alam sa mga otoridad sakaling makatanggap ng bomb threat o may mapansing kakaibang kilos o bagay sa kanilang mga establisyimento upang maiwasang mabiktima ng terorismo.
(Lea Ylagan/UNTV Radio)