Espesyal na art exhibit para makatulong sa mga biktima ng Marawi siege, isinagawa sa Davao City

by Radyo La Verdad | April 25, 2018 (Wednesday) | 2958

Matinding pinsala ang iniwan sa Marawi City ng halos limang buwang bakbakan sa pagitan ng Maute terrorist group at tropa ng pamahalaan noong nakaraang taon.

Hanggang ngayon, patuloy ang rehabilitasyon sa lugar at ang pagsisikap ng mahigit apat na raang libong mga residente na maibalik sa normal ang kanilang buhay na naapektuhan ng kaguluhan.

Upang makatulong sa kahit na maliit na paraan sa mga ito, isang espesyal na art exhibit ang isinagawa sa Davao City.

Ang mga artist sa nasabing art exibit ay ang mismong mga nawalan ng bahay na mula rin sa Marawi City.

Nagsimula ang art exhibit kahapon at tatagal hanggang sa May 4. Ang malilikom na pera sa pagbenta ng mga larawan ay mapupunta sa rebuild Marawi project. Prayoridad nitong mabigyan ng tulong ang mga kapwa nila evacuees.

Nais ng mga artist na magbigay din ng inspirasyon sa kanilang mga kababayan na huwag makalimot na tumulong sa iba sa kabila ng mga nararanasan ding kahirapan.

 

( Marisol Montaño / UNTV Correspondent )

Tags: , ,