ERC, aapela na ipagpaliban ang malakihang dagdag-singil ng Meralco noong 2013 na pinayagan ng Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 8, 2022 (Friday) | 7394

METRO MANILA – Naghihintay na lang ang Manila Electric Company ng direktiba mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) kung paano ang implementasyon ng nakabinbing dagdag-singil sa mga customer ng Meralco.

Nagmula ang singil noong taong 2013 kung saan nagkaroon na mahigit P12 kada kilowat hour na dagdag singil sa kuryente ng Meralco.

Paliwanag ni Meralco Spokesperson Joe Zaldariaga, bunsod ito pangunahin ng hindi inaasahang pagsasara ng pasilidad ng malampaya gas field.

Ngunit ngayong pinayagan na ng korte suprema ang Meralco na singilin ang naturang halaga sa mga customer nito, kailangan pa itong dumaan sa ERC.

Ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera, hindi pa ito maipatutupad dahil hinihintay pa nila ang pormal na kopya ng desisyon ng korte suprema.

Samantala, ipatutupad na rin ng Meralco ang pagbabalik ng P21-B na adjustment sa kanilang mga customer alinsunod sa utos ng ERC.

Mula ang refund na ito sa mga projection ng power rate ng Meralco sa mga nakaraang bills.

Aabot sa mahigit kumulang P0.87 ang mababawas sa bill ng kuryente ng Meralco customers buwan-buwan na tinatayang tatagal ng 12 buwan.

Pang-apat na refund na ito ng Meralco sa kanilang mga customer sa nakaraang 2 buwan.

Ngunit paliwanag ng Meralco, may pagtaas din sa generation charge ngayong buwan dahil sa pagtaas sa presyo ng kuryente sa stock market bunsod ng pagnipis ng supply sa Luzon.

Bukod dito, nakaapekto rin sa pagtaas ng generation charge ay ang paghina ng pera sa dolyar at pagtaas pa rin ng pandaigdigang presyo ng langis.

Sa taya ng Meralco, hindi naman aabot sa P0.87 ang kabuuang adjustment.

Kaya malaki anila ang posibilidad na bahagyang bumaba pa rin ang overall rate ng power distributor ngayong buwan ng Hulyo.

Sa Lunes (July 11) ay nakatakdang ianunsyo ng Meralco ang pinal na overall rate para sa kasalukuyang buwan.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,