ER Ejercito, naniniwala na walang dayaang mangyayari sa midterm election

by Radyo La Verdad | February 12, 2019 (Tuesday) | 9361

MANILA, Philippines – Naniniwala si ER Ejercito na walang mangyayaring dayaan sa 2019 midterm Laguna Gubernatorial election dahil sa pagkakaroon ng political will ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng kanyang paniniwala na dinaya siya noong 2016 Laguna Gubernatorial election, ito ang naging pahayag ni Ejercito sa kaniyang exclusive interview sa programang Get It Straight with Daniel Razon.

Taong 2014 nang iutos ng Commision on Election (COMELEC) ang pagbaba ni Ejercito sa pwesto dahil sa kaso ng campaign overspending noong 2013 midterm elections.

Para kay Ejercito, pinag-initan siya noon ng dating pangulong Benigno Aquino III.

“Kakampi na natin ang presidente, di ko na kalaban, kakampi ko na si pangulong Duterte, palagay ko naman patas na ang laban ngayon, di na ako mapag-iinitan ng Malacañang at Comelec” sagot ni Ejercito nang tanungin kung paano siya makatitiyak na hindi na muling mababato sa isyu ng sobrang paggastos sa pangangampanya sa paparating na halalan.

Samantala, ilan naman sa mga prayoridad ni Ejercito kung muling mananalo sa Laguna Gubernatorial race ay ang pagsusulong ng healthcare, quality education, turismo, imprastraktura, security, peace and public safety sa kaniyang probinsya.

Paiigtingin din nito ang sektor ng agrikultura at sisikaping maging isang food basket ang probinsya sa rehiyon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,