Malaki man ang magiging epekto ng pagsasara ng Boracay sa buong Region 6, subalit minimal lamang ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa ayon National Economic and Development Authority (NEDA).
Point one percent lamang anila ang mababawas sa gross domestic product (GDP) ng bansa kapag nagsara na ang isla.
Sa tinatayang 14 trilyong piso na GDP ngayong taon, lumalabas na 980 milyong piso lamang ang mababawas dito kung mapapanatili ng bansa ang 7% economic growth rate sa susunod na quarter.
Pero ayon sa NEDA, makakabawi naman ang ekonomiya sa pamamagitan ng ibang mga tourist destination na malapit sa Boracay.
50% ng mga turista na bumibisita sa Boracay ay maaaring bumisita sa iba pang lugar sa bansa ayon sa ahensya.
Mabilis ring makakabawi ang Boracay kapag nagbukas na ito dahil mas lalo itong hahatak ng maraming turista.
Kailangan lamang na umaksyon rin ang Department of Tourism (DOT) upang lalo pang mapalakas at ma-ipromote ang ibang tourist spot sa bansa.
Ayon naman sa Department of Budget and Management (DBM), nakahanda na ang pondo na gagamitin ng iba’t-ibang ahensya upang tulungan ang mga displaced worker sa Boracay.
Ayon kay Diokno, maaaring bago tuluyang magsara ang isla ay maibigay nila ang 2 bilyong calamity fund para sa rehabilitasyon at tulong sa mga apektadong residente.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: Boracay closure, ekonomiya, NEDA