METRO MANILA – Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 23 na lilikha ng Inter-Agency Committee para sa proteksyon ng kalayaan sa pagsasama at karapatan sa organisasyon ng mga manggagawa upang mangasiwa sa mga kaso ng paggawa sa bansa.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang nasabing EO nitong Linggo (April 30) na may layong bigyang solusyon ang mga sumbong na nakasaad sa report ng International Labor Organization High-Level Tripartite Mission tulad ng mga insidente ng karahasan, extra-judicial killings, harassment, at pagsupil sa mga karapatan ng mga manggagawa.
Pamumunuan ng Executive Secretary ang Inter-Agency Committee samantalang ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang magiging vice chair nito.
Bubuuin naman ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Department of Trade and Industry (DTI), National Security Council (NSC) at Philippine National Police (PNP) ang inter-agency panel at kung kinakailangan maging katuwang ang Civil Service Commission (CSC) at Commission of Human Rights (CHR).
Ang EO No. 23 ay nakaayon sa High-Level Tripartite Mission (HLTM) na may tungkuling gumawa ng mga hakbang upang maiwasan ang karahasan, masiyasat ang mga paratang, maparusahan ang mga may kasalanan, at matiyak na ang lahat ng manggagawa ay makakabuo at makakasali sa mga organisasyong kanilang pinili.
Kabilang pa sa mga gampanin ng Inter-Agency Committee ay ang pagsusuri ng lahat ng komprehensibong ulat na isusumite sa Pangulo, at pagbuo ng isang roadmap na naglalaman ng mga mahahalagang bahagi ng aksyon, malinaw na mga responsibilidad at naaangkop na timeframe na kasang-ayon sa HLTM.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)