Enrollees sa mga paaralang dinadaanan ng West Valley Fault, tumaas pa

by Radyo La Verdad | June 5, 2018 (Tuesday) | 6343

Laging bitbit ng grade school na si Alex ang kanyang whistle o pito kasama ang kanyang go-bag kapag papasok siya sa Barangaka Elementary School sa Marikina.

Laman ng go-bag ang mga gamit sa 1st aid, flash light at tubig kasama na ang impormasyon ng kanilang mga magulang. Bukod pa rito ang hard hat na iniiwan naman nila sa kanilang classroom.

Bahagi lamang ito ng ginagawang paghahanda ng paaralan dahil dinadaanan ng West Valley Fault ang paaralan.

Sa kuha ng UNTV Drone makikita ang isang pahabang building sa kanlurang bahagi ng paaralan na natuklasan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakatayo ito sa isang fault line.

Nilagyan na ng arrow marking ang kinaroroonan ng fault na tumatagos naman hanggang sa economics room ng paaralan.

Ang dalawang palapag ng building ng Barangka Elementary School ay hindi na pinagsasagawaan ngayon ng klase at pinag-iimbakan na lamang ng mga gamit ng paaralan kagaya ng mga aklat na ito.

Noong nakaraang school year ay mahigit sa 1800 ang mga estudyante sa paaralan at sa kabila ng pagkakaroon ng fault line sa lugar ay nagdagdagan pa umano ang kanilang estudyante.

2 beses na din na nagsagawa ng earthquake drill sa nasabing paaralan kaya’t alam na ng mga magulang at estudyante ang kanilang gagawin kapag nagkaroon ng lindol.

Ayon sa PHIVOLCS, ang West Valley Fault ay may habang 1 daang kilometro at kayang maglabas ng 7.2 magnitude na lindol na tinatawag namang “The Big One”.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,