Kinumpirma ng Iloilo City Health Office na isa sa mga nakasalamuha ng unang positibong kaso ng locally-transmitted Zika infection ang kinakitaan ng sintomas na katulad ng sa Zika.
Matapos ang isinagawang contact tracing ng Department of Health at City Health Office, sinabi ni Dr. Bernard Caspe na nagkaroon ng rashes at nagkalagnat noong August 11 ang hindi na pinangalanang driver.
Makalipas ang tatlong araw ay gumaling narin aniya ang naturang driver at bumalik na sa trabaho.
Sa ngayon ay kinunan na ng blood sample ang naturang driver kasabay ng labingisang iba pa na kasama sa bahay ng babaeng positibo sa Zika.
Ipapadala naman sa mga eksperto ang nasabing mga blood sample upang masuri at makumpirma kung may iba pang positibong kaso ng Zika.
Kumuha na rin ng sample ng mga kiti-kiti at mga lamok sa lugar upang makumpirma ang una ng sinabi ng DOH na locally-acquired ang nasabing Zika case.
Paalala ang ahensya sa publiko na panatilihin ang kalinisan sa loob at labas ng bahay at alisin ang mga posibleng pamugaran ng lamok upang maiwasan ang sakit katulad ng Zika virus.
(Vincent Arboleda / UNTV Correspondent)
Tags: Empleyado ng unang positive case ng Zika sa Iloilo City, pagsusuri matapos makitaan ng mga sintomas