Empleyado ng BOC, tumestigo kaugnay ng ibinibigay na tara sa ilang opisyal ng Customs

by Radyo La Verdad | October 5, 2017 (Thursday) | 3833

Kinumpirma kahapon ni May Escoto, isang staff ng Customs Intelligence and Investigation Service ng Bureau of Customs na may natanggap siya umanong tara o suhol mula sa fixer na si Mark Taguba. Ang binibigay ni Taguba ay para umano kay dating CIIS Director Neil Estrella at Joel Pinawin.

Kinuwento ni Escoto kung paano niya kinuha ang dalawang envelope kay Taguba at ibinigay kay Pinawin. Hindi niya tiyak kung ano ang laman ng envelopes ngunit kinumpirma ng fixer na si Mark Taguba na pera ang laman nito. Pinabulaanan naman ito ni Pinawin at maging ni Estrella.

Inihayag naman ni BOC Commissioner Isidro Lapeña ang natuklasan tungkol sa welcome pasalubong. Napag-alaman aniya mula sa isang BOC personnel na nagmumula ang 100-million pesos welcome gift sa tax credit certificates na iniisyu ng kawanihan.

Ang tax credit certificate ay nagsisilbing tax refund ng mga malalaking kumpanya mula sa posibleng sumobrang bayad sa tariff and duties o dahil nakansela ang isang import.

Ayon naman sa tatay ni Mark na si Ruben Taguba na matagal na nagtrabaho sa Customs, karamihan sa mga nagdaang opisyal ay nakatatanggap ng tara.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,