Electronic system ng pagbabayad ng toll fee sa NLEX,SCTEX at CAVITEX, inilunsad ng MPTC

by Radyo La Verdad | August 22, 2017 (Tuesday) | 3538

Pangkariwang senaryo ang mahabang pila ng mga sasakyan sa mga toll gate tuwing dumaragsa ang mga motorista sa mga expressway lalo na kapag panahon ng bakasyon o tuwing rush hour.

Dahil dito, inilunsad ngayong araw ng Metro Pacific Tollways Corporation, Paymaya Philippines, Easy Trip Services Corporation at AF Payments Incorporated ang electronic payment system sa mga toll gate ng North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac at Cavite Expressway.

Gamit ang kanilang easy trip RFID, beep card at mastercard contactless card, maari nang bayaran ng mga motorista ang kanilang toll fee nang walang kailangang ilabas na cash.

Ang naturang proyekto ay alinsunod sa National Retail Payment System Program ng Bangko Sentral ng Pilipinas na layong gawing electronic payment ang nasa 20 porsiyento ng mga transaksyon sa bansa.

Ayon sa MPTC, sa ngayon ay walang pang espesyal na linya na inilaan para sa mga motoristang gagamit ng nasabing e-payment system, habang tinitignan pa nila ang bilang ng mga motoristang gagamit nito.

Sa ngayon ay magagamit na ang cashless payment sa SCTEX at CAVITEX, subalit para sa mga motoristang daraan sa NLEX ay magagamit pa lamang ito sa Balintwak hanggang Marilao exit Northbound lane.

Target ng MPTC at private partners na gawing cashless payment system ang boung NLEX pagsapit ng third quarter ng 2018.

Maari namang mapaloadan ng mga motorista ang kanilang mga payment cards sa iba’t-ibang mga conveniencestore, supermarkets at mga mall sa bansa.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,