METRO MANILA – Magpapadala ang Meralco ng hiwalay na electric bill para sa monthly installment para sa mga customer nito para aniya makagaan sa bayarin sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Alinsunod ito sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) kung saan ang mga customer na may konsumo na 200 killowatt-hour pababa noong pebrero, maaari nang hatiin ang bayad ng bill mula March 1 hanggang May 31 sa loob ng 6 na buwan.
Habang ang mga kumonsumo ng 201 killowatt pataas noong Pebrero, hanggang 4 na buwan naman ang installment plan.
Halimbawa, para sa mga kumonsumo ng 200 kilowatt-hour, kung P5,400 ang kabuuang halaga ng babayaran para sa mga buwan ng Marso hanggang mayo, hahatiin ang bayad nito sa tigna-P900 sa kada a-15 ng susunod na 6 na buwan o mula Hunyo hanggang Nobyembre.
Paglilinaw ng Meralco, hindi na kasama sa installment plan ang regular na electric bill para sa buwan ng June na kailangang bayaran nang buo sa June 30.
Dahil din sa sunod-sunod na bill shock mula sa mga customer nito, magpapadala din ng sulat ang Meralco sa bawat consumer upang maipaliwanag ang naging komputasyon sa kanilang electric billing mula Marso hanggang Mayo.
Ito’y upang maipaliwanag aniya kung bakit may mga customer na napadalhan ng overestimated o di naman kaya’y underestimated na electric bills para sa buwan ng Marso at Abril.
Paliwanag ng kumpanya, ibinase ang bill para sa mga buwan ng Marso at Abril mula sa average consumption ng nakalipas ng 3 buwan dahil kinailangang suspendehin ang pagbabasa ng metro dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa naging Joint Committee on Energy Commission hearing noong nakaraang linggo, sinabi ng Meralco na muli umano nilang itinuloy ang pagbabasa ng metro para sa mga commercial at industrial consumers noong April 11 at noong April 27 naman para sa mga residential customers.
Pero halos wala pang aniyang 1% sa mga residential customer nito ang nabasahan noong Abril.
“May mga area ho na hindi pa namin napapasukan para mag meter read because strikto ‘yung area or still under lockdown. we will strive para basahan itong mga metro in June, and adjustments in the May bill will be reflected in the June bill.” ani Meralco VP and Head of Customer Retail Services and Corporate Communications, Victor Genuino.
Naglabas na ng direktiba ang ERC o sa distribution utilities na maglabas ng panibagong billing na base na mismo sa aktuwal na konsumo mula sa aktwal na meter reading na hindi lalagpas ng June 8.
Ibabalik din aniya ng Meralco ang mga sobrang bayad o di naman kaya’y ike-credit na lamang sa mga susunod na bills para sa mga nagbayad na ng kanilang electric bills noong Marso at Abril.
“Meralco would just like to say that we will fully comply with all the directives of the doe and ERC regarding ECQ and MECQ on billings, payment extension and installment payments.” ani Meralco VP and Head of Customer Retail Services and Corporate Communications, Victor Genuino.
Upang maiwasan na ang ganitong senaryo, isa sa nakikitang solusyon ng meralco ang paggamit ng teknolohiya na “smart meter reading” kung saan maaari nang malaman ang konsumo ng isang customer via remote reading.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: ECQ