Electric bill ng mga residenteng may 200 KWH pababa na konsumo, hahatiin sa 6 na buwan

by Erika Endraca | May 22, 2020 (Friday) | 27450

METRO MANILA – Palalawigin na hanggang 6 na buwan ang pagbabayad ng electric bill ng mga residenteng nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) na kumukonsumo ng 200 kilowatts per hour (kwh) pababa, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Sa pagdinig ng Komite sa Senado, sinabi ni ERC Chairperson Agnes Devanadera na tulong ito sa kanilang target beneficiaries sa gitna ng umiiral na MECQ.
“These are those who have no aircon, and they only have basic electrical equipment or those are all they have. And so we are extending for this group, we can call them actually the lifeliners now.”ani ERC Chairperson Agnes Devanadera.

Dagdag ng opisyal, magpapatuloy din ang paghahati sa pagbabayad ng electric bills sa apat na buwan para sa mga residente na nasa ilalim ng Modified ECQ.

Ayon sa komisyon, maliit lamang ang pinagkaiba ng Enhanced Community Quarantine sa Modified ECQ kung saan suspendido pa rin ang public transport.

“To the mind of the commission, the daily wage earners, the informal sector still are not able to be gainfully employed. Hence, in the advisory that we are issuing, the 4 months will remain.”ani ERC Chairperson Agnes Devanadera.

Samantala, ibabalik ng Meralco ang nasingil nitong online payment fee mula sa mga customer na nagbayad ng kanilang kuryente sa panahon ng Enhanced Community Quarantine.

Sa sulat na ipinadala ng Meralco kay Department Of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi, humingi ng paumanhin ang power distributor sa ginawang paninigil ng convenience fee gayong may kinakaharap na krisis ang bansa dahil sa COVID-19.

Sinisingil ng Meralco ang convenience fee bilang pambayad sa mas mabilis na transaksyon ng mga customer, ka-partner ang ilang payment services.

Ayon sa Meralco sasagutin na nila ang gastos sa convenience fee, at ire-refund sa ang pera sa mga customer sa pamamagitan ng pagbawas sa kanilang electric billing.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,