Election watchdog at Comelec, nagbigay ng tips sa pagkilatis ng mga kandidato

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 2133

Magkakaiba ang batayan ng mga botante sa mga kandidatong iboboto sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections gaya na lamang sa Quezon City.

Pero ayon kay Johnny Cardenas ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), maraming dapat ikonsidera ang mga botante bago nila isulat sa balota ang isang kandidato. Isa na dito ang klase ng pamumuhay ng kandidato kasama na ang pamilyang kinabibilangan nito.

Ayon kay Cardenas, mahalagang tingnan din ang nagawa ng isang kandidatong dati nang nanungkulan. Pangunahin na dito ang serbisyong pangkalusugan at kalinisan sa barangay.

Dapat din aniyang bantayan kung nandadaya ang isang kandidato dahil maaari itong iprotesta kahit tapos na ang halalan kagaya ng sobrang paggastos sa pangangampanya.

Makatutulong din aniya sa mga botante ang ginawang paglalabas ng PDEA ng mga pangalan ng mga barangay official na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.

Ayon naman sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, mahalagang lumahok ang mga botante sa barangay elections dahil ito ang paraan para mailabas ang kanilang boses.

Hindi lamang aniya dapat pagbatayan sa pagboto ang pagiging sikat ng isang kandidato.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,