Hindi nababahala ang abogado ni Vice President Leni Robredo sa inihaing election protest ni Senador Bongbong Marcos.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, lumalabas na hindi talaga protesta ang isinampa ni Marcos kundi reklamo laban sa COMELEC at Smartmatic sa pagdaraos ng nakaraang halalan.
Sa kanyang protestang inihain sa Presidential Electoral Tribunal, hiniling ni Marcos na ibalewala ang resulta ng halalan sa mga lalawigan ng Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur at magkaroon ng recount sa 27 lalawigan at lungsod.
Nais rin ni marcos na mapawalang-bisa ang proklamasyon kay Robredo at ideklarang siya ang tunay na nanalong bise presidente.
Ngunit ayon kay Macalintal, ang COMELEC at hindi ang P-E-T ang may jurisdiction sa ganitong mga isyu.
Para naman sa isa sa mga tagasuporta ni Robredo, hindi dapat pagdudahan ang ibinigay na mandato ng mga Pilipino kay Robredo bilang pangalawang pangulo.
Mas mabuti na rin aniyang naghain ng pormal na protesta si Marcos dahil mabibigay ng pagkakataon si Robredo na sagutin ang mga paratang ng kampo nito.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Election protest ni Sen. Bongbong Marcos, Vice President Leni Robredo